Sakripisyo ng isang OFW


     Bakit nga ba karamihan sa ating mga Pilipino ay nangingibang bansa? Bakit mas pinipili nila ang mapalayo sa pamilya gayung maari naman magtrabaho dito sa Pinas?Maaaring dahil ba sa kakaunti lang ang pwedeng maging trabaho dito? Dahil ba sa mas maganda ang mga trabaho at mas madali sa ibang bansa? Mas malaki ang pasahod? Mas mababait ang mga amo? Mas titingalain ka ng iba kung sa ibang bansa ka nagtratrabaho? Hmm, bakit nga ba? Ano ng aba ang tunay na dahilan o mga dahilan kung bakit nangingibang bansa ang mga Pilipino? At bakit makalipas ang madaming taon ng paninilbihan sa ibang bansa ay pinipili pa rin nila ang umuwi sa bayang sinilangan?

     Siya si Nomer Reyes at siya ang napili kong kakapanayamin tungkol sa kanyang pangingibang bansa at muling pagbalik niya rito sa Pilipinas mula sa bansang Bahrain makalipas ang halos limang taon. Ayon sa aking panayam, siya ay nangibang bansa para sa ikakaganda at ikakaayos ng buhay ng kaniyang pamilya. Nagtrabaho ito sa dalawang bansa sa Gitnang Silangan sa loob ng halos 5 taon. Nauna niyang naging trabaho ay isang service crew sa bansang Kuwait sa loob ng dalawang taon. Sumunod naman ay naging isa siyang bartender sa sa isang five-star hotel  sa bansang Bahrain. Maganda at maayos ang trabaho niya roon, maayos ang pakikisama niya sa lahat ng kaniyang katrabaho maging ibang lahi man o kapwa Pinoy. Nagtratrabaho siya ng siyam na oras bawat araw o minsa ay higit pa. Sa loob ng isang isang linggo ay swerte na kung makapahinga siya ng isang araw. Aniya, ang magtrabaho sa ibang bansa ay di biro. Marami kang kailangang pakisamahang ibat-ibang lahi. Marami kang iba't-ibang kulturang kailangang sundin at igalang. Mahirap man ngunit masaya rin naman daw ang maghanapbuhay sa ibang bansa sapagkat alam niya sa sarili niya na nakakatulong siya sa pamilya kahit na malayo siya. 

    Noong una ay hirap ito dahil malayo raw ito sa kaniyang pamilya, araw araw ay iniisip nitong umuwi sa Pinas para makasama ang kaniyang pamilya. Gusto raw kasi niyang makita na lumalaki ang kaniyang mga anak, gusto niya na naaalagaan ito, nagagabayan at natuturuan sa mga bagay bagay, sa madaling salita ay gusto niya na may tatay sa tabi ang kaniyang mga anak. Ngunit kailangan niyang tiisin ito dahil gusto niya ng magandang buhay para sa kaniyang asawa at anak. Nakikipag-video call ito sa kaniyang pamilya sa halos araw araw upang makahabol sa mga pangyayari sa buhay ng kaniyang pamilya rito sa Pinas. Tuwang tuwa siya lalo na kapag may balita sa kaniya na maraming nakukuhang parangal ang kaniyang mga anak sa eskwelahan nila.

    Pagkalipas ng tatlong taon sa Bahrain ay napagdesisyunan na niyang umuwi sa Pilipinas upang makasama ang kaniyang pamilya sa darating na pasko. Ika-15 ng Disyembre siya ng dumating dito sa Pinas mula sa Bahrain. Sinundo siya ng kaniyang pamilya kaya naman labis ang kaniyang pagkatuwa dahil alam niyang mababawi ito sa mga panahon na hindi niya nakasama ang kaniyang pamilya.

    Sa pakikipanayam ko kay Nomer L. Reyes ay maraming bagay ang aking natutunan at nalaman ko tungkol sa kaniya at sa buhay niya sa ibang bansa. Nalaman ko ang hirap at pagtitiis niya sa bawat araw na hindi kasama o nakikita man lang ang kaniyang pamilya. Ang halos maluha sa gabi na di niya katabi ang pamilya. Ang mainggit sa masasayang okasyon at na di sya kasama. At ang makita nagsisilakihan ang mga anak niya ng wala siya sa piling nila. Mahirap para sa isang magulang na wala siya sa tabi ng kaniyang anak habang ito ay lumalaki. Tunay na iba talaga ang sakripisyo ng isang magulang para sa kaniyang pamilya. Tiisin ang lahat kahit pansariling kaligayahan maibiagay lamang lahat. Hindi matatawaran ang lahat ng sakripisyo nila. Kaya masuwerte ang mga anak na gaya ko na may amang gaya niya na handang magsakripisyo para sa pamilya. Siya nga pala ang tatay ko at ipinagmamalaki ko siya. Mahal na mahal ko siya at di ako magsasawang mahalin at pasalamatan siya. Ngayon pinili niya na magbalik mula sa ibang bansa sisiguraduhin kong masusuklian ko lahat ng paghihirap at pagtitiis niya. 

Mga Komento